Maraming kuro-kuro ang naiisip tungkol sa pamaraan nang pagpili sa draft ng players para sa mga NFL team. Nanggagaling ito sa mga beteranong analyst na taglay ang ekspertong pagsusuri at sa mga pangkaraniwang fan na umaasang makahanap ng magigilas na player, at sa mga sari-saring opinyon mula sa lahat ng tagasubaybay ng putbol.
Marami rin ang mga mungkahi na inilaan para sa Oakland Raiders tungkol sa mga posisyon na dapat punuin ang narinig mula sa taga-labas ng organisasyon. Kasama rito ang mungkahi na palakasin ang mga secondary o di kaya dagdagan ang offensive line.
Alam ni Head Coach Hue Jackson ang mga pinag-uusapan kung paano dapat mamili ang Raiders. Iginalang niya ang mga opinyon na ito, nguni't tinupad pa rin niya ang sariling palagay ng organisasyon na kung papaano mapabuti at mapagaling ang team; di lamang sa hinaharap na season kundi sa malayong kinabukasan.
"Maliwanag na meron kulang na mga player… sa ilang posisyon …sa team," sabi ni Coach Jackson. "At ating bibigyan ng pansin yan habang patuloy tayong sumusulong…Sisiguraduhin natin na mailagay …ang pinakamagaling na player na makukuha natin sa draft na ito at iyan ang pakay natin."
Kaya sa ikalawang araw ng 2011 NFL Draft, ay kinuha ang isang magaling na player na siyang magiging angkla sa gitna ng offensive line. Pinili ng Raiders ang center/guard na si Stefen Wisniewski galing ng Penn State sa ikalawang rawnd bilang # 48 na overall pick.
Kuntento si Coach Jackson sa kanilang seleksiyon. "Si Stefen Wisniewski…ay isa sa mga pinuntirya namin... Gusto naming bigyan pansin ang offensive line at inumpisahan natin ngayon," paliwanag ng head coach. "Siya ay lalaro sa center para sa Oakland Raiders at ako'y nasisiyahan."
Sa ikatlong rawnd ng draft ay pinili ng Raiders si defensive back DeMarcus Van Dyke na nagmula sa University of Miami at siya ay pang-81st overall pick. Naniniwala si Coach Jackson na palalakasin niya ang secondary team. "[Si Van Dyke ay kayang ] dumepensa at tumakbo…mga katangiang hinahanap namin para sa ating mga corners," ani Coach Jackson.
Nakipagpalitan din ng players ang Raiders sa New England Patriots, at nakakuha sila ng seleksiyon sa ikatlo at at ika-apat na rawnd. Nabigyan ang team nang mas matibay na offensive line at mas mabilis at maliksing player para sa kanilang opensa.
"Nagkaroon tayo ng pagkakataon na kumuha ng dalawa sa ikatlong rawnd at dalawa sa ikaapat na rawnd …tapatin ko kayo, nakuha namin sila," paliwanag ni Coach Jackson.
Bilang pang-92 overall pick na pinili ng Raiders ang defensive-na naging-offensive lineman na si Joseph Barksdale mula LSU. Inilarawan ni Coach Jackson ang bagong Raider. "[Siya ay] malaking tao na maliksi, matibay, at mapursigi at talagang dinidibdib niya ang putbol at…sa offensive line," said the head coach.
Sa ika-apat na rawnd, pinili ng team si defensive back Chimdi Chekwa mula Ohio St. bilang pang-113th overall seleksiyon. Inaasahan ni Coach Jackson na makakayanan niya ang iba't ibang posisyon. "Palagay ko kaya niyang gawin lahat ang nais naming pagawa sa kanya," sabi ni Coach Jackson. "Ilalagay namin siya sa corner, [pero] nakakamangha ang galing niya, kaya kung kailangan, ay gagamitin namin siya sa ibang posisyon."
Kinuha din ng Raiders sa ika-apat na rawnd, ang running back na si Taiwan Jones na galing sa Eastern Washington. May nakitang espesyal na taglay ni Jones. "Paano mo palalagpasin ang taong mahusay gumawa ng play… isang player na madalas umiskor ng touchdown, at napakabilis sa takbuhan?" tanong ni Jackson sa press.
May tatlong pick pa ang Raiders – isa sa fifth, sa sixth, at isa pang pangkonsuelo sa seventh. Pinili ng team at ni Coach Jackson ang madulas na wide receiver na si Denarius Moore ng Tennessee, ang tight end na si Richard Gordon ng Miami at ang maraming posisyon na si David Ausberry na nagmula sa University of Southern California.
At dito nagtapos ang pagpili ng Oakland Raiders sa 2011 NFL Draft. "Kinuha namin ang mga player na mabuti ang pagkatao, matapat, mga player na mahal nila ang Pilak at Itim, mga player na sa palagay namin ay magiging mahusay na player, at may potensyal na magiging napakagaling at iyan ang hinahabol natin at nais din namin maging ganyan ang team," sabi ni Coach Jackson. "Itong organisasyon, itong team, ay magiging tanyag."